Nakikinig ka ba sa paligid nating walang umuokupa kundi pag-ibig na bubuo sa walang hanggang pinapangarap nating dalawa. Sa gitna ng kakahuyang tinutubuan ng mga ligaw na rosas na mas matingkad pa ang kulay sa pula. Sa ibabaw ng ating mundo’y masisilip ang katha ng isang maestro na magpapanganga sa sinumang tatanaw rito. Ang lahat ng ito’y atin, sa atin lamang, wala ng iba. Kaya kong ilipad ka sa buwan sa mga oras na ito at ipasyal ka sa palibot ng mga bituin. Habang hawak ko ang iyong kamay at hinahayaan ka lang na nakatingin sa likha nating dalawa. Huwag kang bibitaw sa akin sinta. Hindi kita papakawalan, dahil hindi kaya ng puso kong mag-isa. Tanda ko pa ang lahat ng ‘yong mga sinabi, lahat ng ating mga pinagsamahan, lahat ng mga matatamis na sandali’t oras na ating inubos sa tawanan. Nakikinig ka ba sa tibok ng puso ko habang yakap-yakap kita?
Nakikita mo ba? Malamang hindi… Ang paligid na naubusan na ng pagmamahal at pangangarap… Mga bulaklak na nawalan ng kulay at mga punong natupok na ng pighati sanhi ng paglisan mo… Ang dating maliwanag na kalangitan natin ay nagdilim na at patuloy at walang tigil sa pagluha… Lumisan na ang buwan at mga bituin kasabay ng iyong pagkawala… Hindi kita papakawalan, hindi ko kaya…
Tanda mo pa ang lahat ng aking mga sinabi, lahat ng ating mga pinagsamahan, lahat ng mga matatamis na sandali’t oras na ating inubos sa tawanan. Bakit wala na rin ang tibok ng puso mo ngayong yakap-yakap kita?…
